3 bahay sa Antipolo, hinalughog; 21 timbog dahil sa ilegal na droga

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2018 10:10 PM | Updated as of Sep 24 2019 03:41 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA—Dalawampu't isa ang arestado matapos halughugin ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) National Capital Region (NCR) Eastern District, PDEA Rizal, Philippine National Police (PNP) Rizal Provincial Office, at PNP Antipolo ang tatlong bahay sa Imburnal Compound, sa Barangay Mayamot sa Antipolo. 

Dala ang search warrant, nakakuha ang mga tauhan ng mga umano'y droga at drug paraphernalia sa mga bahay na ginagawa umanong bentahan at gamitan ng droga. 

Ayon kay Agent Roberto Sebastian ng PDEA Rizal Office, minanmanan nila nang 3 linggo ang 5 suspek na pawang mga magkakamag-anak. 

Pinaalis muna ang mga tao mula sa mga bahay bago isinagawa ang paghalughog. 

Nakuha ng mga PDEA agent ang isang purse na may lamang hinihinalang shabu at purse na may drug paraphernalia sa loob ng aparador ng bahay ng isang 38 anyos na babae.

Pero ayon sa kaniya, hindi kaniya ang mga ito. 

Nakita rin sa isang barong barong na ginagawa umanong drug den ang isang straw na may lamang hinihinalang shabu pati mga foil at plastic. 

Pangalawang hinalughog ang bahay ng 49 anyos na si alyas Nanay Dory, ang ina ng 38 anyos na babae, kung saan nakita ang nasa 10 sachet ng umano'y shabu sa pouch na nakatago sa tokador.

Napaiyak naman ang 32 anyos na si alyas Isok na anak din ni Nanay Dory, nang posasan pagkakita sa loob ng isang aparador sa bahay niya ang pouch na may 2 sachet ng umano'y shabu. 

Ayon sa PDEA, si Isok ang source ng ibinebentang droga sa lugar. 

Ayon kay Sebastian, mga taga Marikina, Cainta at Antipolo ang dumadayo sa compound para bumili at gumamit ng droga. 

Giit naman ni Isok, hindi kaniya ang pouch at hindi rin siya gumagamit ng droga. 

Ayon sa PDEA isasailalim sa drug test ang mga nahuli sa search warrant pati ang mga nakuha sa kanilang mga hinihinalang droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.