SAPUL SA CCTV: 2 sugatan matapos mabangga ng tricycle sa Davao City

Berchan Angchay, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2017 07:30 PM

Nirespondehan ng Central 911 ang lalaking sugatan matapos mabangga ng humaharurot na tricycle sa Barangay Ma-a, Davao City Biyernes. Kuha ni Berchan Angchay, ABS-CBN News

DAVAO CITY - Dalawa ang sugatan matapos mabangga ng humaharurot na tricycle sa Barangay Ma-a dito, Biyernes ng madaling araw.

Sa CCTV video na kuha mula sa isang establisyimento, habang binabagtas nina JP Perote, 28, at kaniyang kinakasamang si Cristine Loreto ang kahabaan ng kalye, biglang nasagasaan ang dalawa ng isang tricycle.

Tumilapon si Perote sa sidewalk dahil sa pagkakabangga. Tumakas ang tricycle matapos ang aksidente. Muntik pa umanong masagasaan nito ang 2 aso.

"Natangala ko nanglupad nalang mi duha. Nakabangon ko nisutoy lang padagan ang tricycle, wala na siya nibalik," ayon kay Loreto.

(Nagulat ako tumilapon kaming dalawa. Nakabangon ako pero patuloy ang takbo ng tricycle at hindi na siya bumalik.)

Ayon kay Loreto, ihahatid lang sana siya ni Perote sa pinapasukang call center nang maganap ang insidente.

Agad namang dinala sa ospital ang mga sugatan. Pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang tricycle driver.