Pagpalya ng planta, problema sa Luzon grid, nagdulot ng brownout sa ilang lugar

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2017 11:22 PM

Nagdulot ng brownout sa ilang lugar ang pagpalya ng isang planta at problema sa transmission line sa Luzon grid nitong Biyernes.
    
Nag-brownout sa Meralco franchise area bandang 8:38 ng umaga nitong Huwebes pero naibalik din ang kuryente pasado alas-9 ng umaga. 

Napag-alamang sanhi nito ang pag-trip off ng transmission line na Pagbilao-Tayabas kaya hindi nakadaloy ang kuryente mula sa Pagbilao Power Plant sa Quezon.

Pagdating ng 9:57 ng umaga, bumagsak naman ang Quezon Power kaya nawala ang 456 megawatts ng kuryente.    

Nag-brownout ulit sa Meralco franchise area pero naibalik ulit pagdating ng 10:04 ng umaga. 

Sa anunsiyo ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), yellow alert pa rin o mababa ang reserba hanggang alas-8 ng gabi nitong Biyernes.

“Medyo manipis ‘yung reserba natin so importante pa rin magpatupad tayo sa ating mga sariling tahanan, sa ating mga sarili, ng energy efficiency initiative sa ating mga bahay,” ayon kay Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco. 

Bukod sa pagpalya ng Quezon Power nitong Biyenes, maraming planta rin ang bagsak kaya umabot ng halos 2,000 megawatts ang nawala sa grid.

Plano naman ng Department of Energy (DOE) na ipasalo sa mga pasilidad na magdudulot ng brownout ang anumang dagdag-presyo sa kuryente na resulta ng red o yellow alert.

Posible kasing sumipa ang presyo ng kuryente sa spot market kapag manipis ang supply ng kuryente sa grid.

Wala namang inaasahang yellow o red alert ngayong Sabado dahil weekend at walang pasok kaya mababawasan ang pangangailangan sa kuryente.
 
-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.