‘P30,000 good for 1 week’: 2 'bugaw' ng mga bata sa dayuhan, timbog

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2017 09:48 PM

Nagsagawa ng undercover operation ang mga tauhan ng Anti-Trafficking in Persons Division (ATIPD) ng Philippine National Police-Women and Children's Protection Center (PNP-WCPC) upang tugisin ang dalawang bugaw na umeengganyo sa mga dayuhang umarkila ng menor de edad.

Sa video na ipinakita ng mga awtoridad, kitang kausap ng mga pulis sina Jamil Sampaga at Anthony Mabansag na mga umano'y bugaw ng mga bata. Kasama nila ang 17 taong gulang na bata para ibigay sa nagpanggap kustomer.

Nang iabot na ng undercover agent ang advance payment na P5,000, dito na sila inaresto.

Ayon sa awtoridad, 2015 pa na-monitor ng Federal Bureau of Investigation ng Estados Unidos ang mga transaksiyon ni Sampaga sa mga pedophile ngunit "madulas" daw ito at magaling magtago sa sari-saring online accounts. 

Na-red flag din umano sila maging ng National Crime Agency ng United Kingdom at sa Nordic countries tulad ng Finland, Iceland at Norway.

Ayon kay Senior Superintendent Villamor Tuliao, hepe ng ATIPD, naniniwala silang parte ng mas malaking sindikato ang dalawa. 

"Ang referral is not only doon sa US, kung hindi meron ding referral from Nordic countries like galing Norway, Denmark and 'yung mga iba pang part ng Europe. So very large ang extent ng client nito," ani Tuliao. 

Bukod sa online sexual exploitation, hinihikayat pa umano ng mga suspek ang mga dayuhang sex travellers na magpunta sa Pilipinas.

"Through chat rooms, 'yon ang ginagamit niya. Pag nakuha na niya 'yung loob ng client, pinapapunta niya dito to meet 'yung mga victims," dagdag ni Tuliao.

Ayon kay Chief Inspector Michael Virtudazo, iba't ibang klaseng "package" ang ibinibigay ng mga bugaw sa mga dayuhang kliyente.

"Based doon sa ibang in-engage namin, iba-ibang klaseng offer. Merong isang offer worth P30,000, good for 1 week 'yan sa loob ng hotel...so lahat ng kuwan gagawin ng foreigner sa P30,000 offer," ani Virtudazo.

Itinanggi naman ng mga nahuling suspek ang paratang.

Sasampahan sila ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, Anti-Child Abuse Law, Anti Child Pornography Act at ng Anti-Cybercrime Law.

Ayon kay Supt. Sheila Portento, Operations Chief ng WCPC, maaring kasabwat pa sa krimen ang mga kaanak ng ibang biktima. 

"Unfortunately ang mga perpetrators or facilitators ay 'yung mga relatives and, worse, parents, so 'yung bata trusting sa magulang and itong mga relatives nila," ani Portento.

Ang biktimang kasama ng dalawa, sasailalim sa pangangalaga ng Manila City Social Welfare and Development Office.

"She will also be given trauma-informed care under a treatment plan for her restoration after all the sexual abuse she has gone through," paliwanag ni Portento. 

--Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.