Mga pasahero, stranded sa Tacloban airport

Jenette Fariola-Ruedas, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2017 11:00 AM | Updated as of Oct 20 2017 12:53 PM

TACLOBAN CITY - (UPDATED) Stranded ang ilang pasahero sa Daniel Z. Romualdez Airport dito sa lungsod matapos tumigil sa gitna ng runway ang eroplano ng Air Asia nitong Biyernes ng umaga.

Ayon sa ilang pasahero ng naturang eroplano, galing Maynila ang kanilang biyahe at nakalapag naman ng maayos ang eroplano.

Ngunit nang nagma-maniobra na itong paliko papunta sa tarmac area, biglang namatay ang makina nito at hindi na nakaandar pa.

Mahigit isang oras pa ang nagtagal bago pinababa ang mga pasahero, isinakay na lamang sila sa jeep mula runway papuntang arrival area.

Pinababa din ang pasahero ng Cebu Pacific na lilipad sana papuntang Manila ng 7:50 ng umaga.

Bandang 10:40 ay naialis na ang tumirik na eroplano at bumalik na sa normal ang ilan pang mga biyahe.

Sinisikap pa ng ABS-CBN News na makuha ang panig ng Air Asia.