Mga nitso sa Dagupan binaha, natambakan ng basura

Joanna Tacason, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2017 08:58 PM

Binaha ang ilang nitso sa Roman Catholic Cemetery sa lungsod ng Dagupan. Joanna Tacason, ABS-CBN News

Problema ngayong darating na Undas ang mga naipong basura at tubig baha sa Roman Catholic Cemetery sa lungsod ng Dagupan.

Mahigit isang linggo bago ang Undas, abala na ang ilang trabahador at kamag-anak ng mga yumao sa paglilinis ng mga basura at pag-aayos ng mga sirang nitso o mga naapektuhan ng baha.

Halos hindi na rin makita ang ibang puntod sa likurang bahagi ng sementeryo dahil natabunan na ng mga hindi natatabas na damo.

“Problema nga namin hindi kami makadaan, hirap 'yung daanan,” ani Evelyn Mendoza, na may kaanak na nakahimlay sa sementeryo.

Ayon kay Bobby De Guzman, isa sa mga caretaker sa sementeryo, plano na ng simbahan doon na tambakan ng lupa ang likurang bahagi ng sementeryo upang maiwasan ang naiipon na tubig baha.

"Hirap nga eh, pero sabi ng simbahan tatambakan na 'yan, ipapantay sa kalsada, kailangan lang hintayin matapos 'yun, para kapag natambakan na, hindi na maiipon 'yung tubig at may lalabasan na,” ani De Guzman.

Inaasahang dadagsain ang sementeryo ng mga dadalaw sa kanilang mga yumao sa darating na Undas.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.