Lalaking nag-aalmusal, patay sa pamamaril sa Navotas

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2017 09:55 AM

Patay ang isang lalaki nang barilin habang kumakain ng almusal sa isang karinderia sa San Marcos Street, Barangay Bagumbayan North sa Navotas, bandang alas-5 ng madaling araw Biyernes.

Kinilala ng imbestigador na si PO2 Paul Roma ang biktima na si Reynaldo Gungon, 45 anyos, isang fish broker na nagtatrabaho sa Punduhan fish market sa Malabon.

Ayon sa may-ari ng karinderia na si Daisy Villanueva, kaka-order lang ng biktima ng kanin at ulam na lechon paksiw at kasisimulang kumain nang makarinig sila ng putok ng baril.

Pumasok ang bala sa salamin ng lalagyan ng pagkain at tumama pa sa isang kawali sa loob ng tindahan.

Nakita ang isang gunman na nakatakip ang mukha na naglakad papunta sa karinderia bago magpaputok at tumakas sa katabing eskinita.


Ayon sa ilang taga-roon, nakatambay na ang gunman sa eskinita bago pa ang insidente.

Sa kuha ng CCTV sa eskinita, kitang pumasok at kumanan ang isang motorsiklo na may sakay na 2 noong oras ng pamamaril.

Inaalam pa ng Navotas police ang motibo sa pamamaril.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.