Lalaki, ligtas matapos pagbabarilin sa Pampanga

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2017 03:31 PM

Suwerteng nakaligtas ang isang lalaki mula sa tiyak na kapahamakan matapos pagbabarilin sa Sasmuan, Pampanga kahapon.

Sa CCTV ng barangay, kitang inabangan ng suspek na kinilalang si Arwin Manansala ang biktima na si alyas Cardo.

Sakay ng motorsiklo si Cardo pauwi na sa kanyang bahay nang lapitan ni Manansala at mangilang beses pinaputukan gamit ang kalibre .38 na baril.

Mabuti at nakaiwas si Cardo sa mga bala at mabilis na nakatakbo papalayo sa suspek.

Sinundan naman siya ng anak ni Manansala na si Andrei na sakay ng motorsiklo.

Nagawang makapasok ni Cardo sa isang establisyemento habang agad na tumakas ang mag amang suspek patungong direksiyon ng Guagua.

Sa follow-up operations ng Sasmuan Municipal Police Station, lumilitaw na si Manansala rin ang suspek sa pamamaril sa bayan ng Guagua noong Lunes.

Positibo siyang kinilala ng mga mga testigo sa dalawang magkahiwalay na insidente ng pamamaril.

Si Manansala ay dating tricycle driver at drug surrenderer.

Nananatiling at large ang suspek.

Nag-alok naman ng P100,000 pabuya ang Guagua para sa pagkakadakip sa suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.