Ilang 'sis' ng Aegis Jvris, kakasuhan din: MPD

Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2017 10:29 AM | Updated as of Oct 20 2017 01:36 PM

(UPDATED) - Ilang kasapi umano ng Regina Jvris Sorority, ang sister group ng Aegis Jvris Fraternity, ang nakaambang kasuhan din ng pulisya dahil sa kanilang partisipasyon sa hazing rites na ikinamatay ni UST law student Horacio "Atio" Castillo III noong nakaraang buwan.

"Meron po tayong nakitang mga babae who we believe or suspect na sister or members ng sister sorority-fraternity ng Aegis Jvris," ayon kay Chief Superintendent Joel Coronel, director ng Manila Police District.

Paliwanag ni Coronel na kahit pa may direktang partisipasyon o wala basta kasama o may alam hinggil sa pagpa-plano at mismong hazing rites ay mananagot pa rin sa ilalim ng batas. 

"Sa unang isinampa natin [kaso] meron tayo, I understand, mga lima o anim na Jane Does na isinama."

Sa panayam sa DZMM Biyernes ng umaga, sinabi ni Coronel na kasalukuyan pa rin silang nagba-validate ng pagkakakilanlan ng mga naiugnay na sorority members sa kaso.

"May list po tayo. Hindi lang natin inilalabas until ma-confirm ng ating witnesses. Tama po, meron pong babae na masasama sa kasong ito," ani Coronel.

Oktubre 4 nang unang sampahan ng pulisya ng kaso ang 19 na miyembro ng fraternity. Kabilang na dito si John Paul Solano, ang nagdala sa pagamutan kay Atio, mga resident brods o estudyante ng fraternity.

Kasong murder, robbery at obstruction of justice ang ikinaso sa kanila at perjury din kay Solano.

"Bukod po dito, ang pamilya ni Atio Castillo ay nagsampa ng additional na kaso against the officers and alumni members of the fraternity, including si Dean [Nilo] Divina, for their involvment sa hazing ni Atio Castillo," sabi niya.

Sinampahan na rin nila ng kaso ng paglabag sa anti-hazing law ang mga ito. Ang mga kasong ito ay naisampa na sa Department of Justice. Sabi ni Coronel, bumuo ng investigation panel ang prosecutor general na siyang dumidinig sa mga kasong ito.

"Ngayon po, sa hearing sa Senado nitong nakaraan, mayroon po tayong natuklasan other alumni members, senior brods, elders kung tawagin nila, ay naugnay sa pag-obstruct sa investigation sa kasong ito kung saan pagtatakpan nila yung pangyayaring ito kaya isasama po natin sila sa susunod na preliminary hearing,” sabi niya.

Dagdag ni Coronel na sa 30 katao na kanilang na-monitor na nagbalak na pagtakpan ang insidente, 19 doon ay mga abugado.

"Hinihintay po namin yung validation sa aming request for certification sa internet service provider, sa Facebook Philippines at sa Anti-Cybercrime namin para ito ay magiging part of our evidence--ito ang tinatawag naming electronic evidence na isa-submit sa kaso to establish na through their collusion, conspiracry to cover up this particular case," ani Coronel.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.