Eroplano ng AirAsia, namatay ang makina sa gitna ng airport

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2017 04:45 PM

Stranded ang ilang pasahero ng Tacloban airport nitong Biyernes ng umaga dahil nasa gitna pa ng runway ang eroplano ng AirAsia.

Ayon sa ilang pasahero, galing Maynila ang kanilang biyahe at nakalapag naman nang maayos ang eroplano sa Tacloban Daniel Z. Romualdez Airport. 

Subalit nang nagmamaniobra na itong paliko papunta sa tarmac area, biglang namatay ang makina at hindi na nakaandar pa.

Mahigit isang oras pa ang lumipas bago pinababa ang mga pasahero.

Isinakay na lamang sila sa jeep mula runway papuntang arrival area.

Pinababa rin ang mga pasahero ng isang Cebu Pacific flight na lilipad sana papuntang Maynila bandang 7:50 ng umaga.

Humingi ng tawad ang AirAsia sa mga naabalang pasahero. 

"We sincerely apologize to our guests for the inconvenience caused by the incident. Rest assured that the safety of our guests and crew is our utmost priority," anila.

Nagbukas nang muli ang nasabing paliparan matapos isara pansamanatala kaninang alas-8 ng umaga. 

--May ulat ni Jenette Ruedas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.