Empleyado ng Biñan City Hall patay sa pamamaril

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2017 09:01 PM

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang pamamaril sa isang empleyado ng Biñan City Hall nitong Huwebes, Oktubre 19. Photo courtesy of Biñan City police

MANILA - Patay sa pamamaril ang isang empleyado ng Biñan City Hall samantalang sugatan naman ang isang lalaking nadamay lamang sa insidente nitong Huwebes.

Pauwi na sana sakay ng isang motorsiklo si Virgilio Roxas Jr., 34, nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa Barangay San Jose, Biñan City.

Ayon sa inisyal na impormasyong nakalap ng pulisya, empleyado sa Biñan City Hall si Roxas at dati na rin umanong nagsilbing security staff ni Edward Reyes, kalihim ng Sangguniang Panglungsod.

Una nang nabalita ang pananambang kay Reyes na nakunan pa sa isang CCTV camera.

Nadamay naman sa putukan ang isang lalaking kinilala bilang si Bernard Lacerna na bibili lamang sana umano ng ulam nang mapadaan sa lugar na pinangyarihan ng pamamaril kay Roxas. Nagtamo ng tama ng bala sa kanang hita si Lacerna.

"Nung nagkaputukan, naramdaman na lang niya (Lacerna) na may tama siya sa paa tapos ayun, nanghina na siya," ani PO2 Jeff Belson Comendador.

Iniimbestigahan pa ng pulisya ang posibleng motibo sa pamamaril. Plano rin umano nilang suyurin ang mga CCTV footage sa mga lugar na posibleng dinaanan ng mga salarin bago at pagkatapos ng insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.