Drug paraphernalia nasamsam sa Cebu City Jail

Junrey Nadela, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2017 03:42 PM

Walang iligal na droga pero may mga drug paraphernalia na nakuha ang awtoridad sa isinagawang Greyhound Operation sa Cebu City Jail Biyernes ng umaga.

Matapos ang Oplan Linis Piitan sa Female Dormitory, ang Male Dormitory naman ng Cebu City Jail ang ginalugad ng taga Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), kasama ang mga pulis ng Guadalupe Police Station at Special Weapons and Tactics.

Dahil sa isyu sa seguridad, hindi pinayagan ang mga miyembro ng media na makapasok sa mga dormitory. 

Ginalugad ng grupo ang halos 50 mga dorm ng mahigit 5,000 inmates.

Matapos ang ilang oras na pagsuyod sa mga dorm, nakuha ng grupo ang ilang drug paraphernalia, pero walang illegal drugs.

Ayon sa Jail Warden na si Supt. Arnel Peralta, dahil daw ito sa kanilang mga pagsisikap na linisin mula sa iligal na droga ang piitan.

Wala rin silang mga cellphone na nakuha pero maraming charger ng cellphone ang nakumpiska. Nakuha din mula sa mga dorm ang mga pamalo at matutulis na bagay.

Halos 70 porsyento sa mga nakakulong dito ay iligal na droga ang kaso. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.