Dating municipal engineer, patay sa pamamaril sa Cagayan

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2017 01:15 AM

Patay ang dating municipal engineer sa bayan ng Solana, Cagayan matapos pagbabarilin sa lungsod ng Tuguegarao Miyerkoles ng hapon.

Nagmamaneho ng kaniyang pick-up ang biktimang si engineer Antonio Malenab, 55, nang tambangan sa kalsada ng Barangay Annafunan West.

Ayon sa ilang residente, sumadsad ang pick-up sa gilid ng kalsada pero hindi rito nakuntento ang dalawang salarin.

Sa isang cellphone video, makikitang binaril pa nila nang makailang ulit ang biktima na noon ay nakahandusay na sa loob ng sasakyan.

Agad ding tumakas ang dalawang salarin na hindi namukhaan dahil sa suot nilang helmet.

Mahigit sa 20 basyo ng bala ang narekober ng mga pulis sa crime scene.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang pamilya Malenab ukol sa nangyari.

Susunduin lang sana ng biktima ang kaniyang misis nang tambangan ito.

Ayon sa pulisya hindi nila isinasantabi ang mga anggulong personal o work-related na dahilan bilang motibo sa pamamaril.

“Nung maalis siya sa trabaho as municipal engineer, nagko-contractor na siya. So tinitingnan natin kung work-related ito,” ani Sr. Supt. Warren Tolito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.