3 ‘tulak’ umano ng droga, arestado sa South Cotabato, Sultan Kudarat

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2017 01:36 AM

GENERAL SANTOS CITY- Nasa P30,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska mula sa 3 arestadong suspek sa magkakahiwalay na anti-drug operation sa Koronadal city sa South Cotabato at bayan ng Lutayan, Sultan Kudarat.

Inaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency si Anthony Olmedo sa Barangay Manili, Lutayan Miyerkoles ng gabi.

Bagama't aminado ang suspek na dati siyang gumagamit ng shabu, itinanggi niyang sa kanya ang nakumpiskang ilegal na droga.

Ayon sa suspek, tanging pag-uuling at pagsasaka raw ang pinagkukunan niya ng kita at kasinungalingan umano na nagtutulak siya ng ilegal na droga.

Hindi raw sa kanya ang isang sachet ng hinihinalang shabu na may halagang P5,000 at marked money na P1,000 na nasamsam sa buy-bust operation.

Ayon sa PDEA 12, hindi sila maaaring magkamali dahil minanmanan muna nila ang galaw ng suspek bago naglunsad ng operasyon.

Nahaharap si Olmedo sa kasong possession of dangerous drugs.

Samantala, timbog din sa isang buy-bust operation ngayong Martes ang magkaibigang sina Alejandro Traya at Melandro Laspiñas sa Barangay Zone 4, Koronadal.

Nakuha sa dalawa ang tatlong sachet ng pinaghihinalaang shabu na tinatayang P25,000 ang halaga, buy-bust money na P500, at drug paraphernalia.

Ayon sa PDEA 12, hindi nila nilubayan ang dalawa dahil posibleng sangkot sila sa pagbebenta ng ilegal na droga sa mga estudyante.

Hindi nagbigay ng pahayag ang dalawang suspek na sinampahan na ng kasong selling at possession of dangerous drugs at paraphernalia.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.