2 pulis-Olongapo, dawit sa pangingikil, pagnanakaw sa mag-asawang hinuli

ABS-CBN News

Posted at Oct 20 2017 09:13 PM | Updated as of Oct 21 2017 12:05 AM

Dalawa pang pulis-Olongapo ang kinasuhan ng robbery extortion matapos umanong kikilan at nakawan ng cash card ang mag-asawang nahuli nila sa isang drug raid noong Mayo. 

Kinilala ang dalawang pulis na sina PO1 Sherwin Tan at PO3 Bayani Mayoyo.

Batay sa sinumpaang salaysay ng mag-asawang drug suspect, ni-raid ang bahay nila noong gabi ng Mayo 3 at kitang-kita umano nila habang isa-isang isinisilid ng grupo nina Mayoyo at Tan ang kanilang mga gadget, sapatos, bag, groceries, appliances, at mga panindang produkto. 

Binuksan din nila ang ref at kumuha ng salad, nagbukas ng mga de-latang corned beef at kumain pa.     

Pilit pa umano silang hinihingan ng pera nina Mayoyo at Tan at napilitan silang ibigay ang cash card nila na may lamang halos P115,000 dahil sa takot. 

Napilitan din ang lalaking drug suspect na ibigay ang PIN ng cash card dahil sinampal at tinutukan umano siya ng baril sa bunganga. 

Sa kopya ng bank statement mag-asawa, nakita ang sunod-sunod na withdrawals mula Mayo 3, Mayo 4 at Mayo 11. Nalimas ang halos P115,000 na laman ng cash card.

Nang makarating kay Olongapo City Police Director Melchor Cabalza III ang reklamo, agad niyang tinanggal sa puwesto sina Mayoyo at Tan.

“Wala na silang dalawa, tinanggal ko na sa pagka-operatiba… Matagal na palang gano’n ang gawain. Nag-e-extort sila. Marami na daw kalokohan dati ito,” ani Cabalza. 
    
Itinanggi din umano nina Mayoyo at Tan ang paratang.

6 pulis-Olongapo na dawit sa panggagahasa, isinuko ang kanilang mga baril 

Isinuko na ng anim na pulis-Olongapo ang kanilang mga armas matapos kasuhan at ireklamo ng panggagahasa sa isang babaeng detainee at pagpilit sa kaniyang makipagtalik sa isang lalaking preso sa harap ng mga pulis sa loob ng presinto.

Iniutos kasi ng hepe ng Philippine National Police (PNP) Region 3 na disarmahan at ilagay sila sa restrictive custody.

“Gusto naming maibalik ang tiwala ng taumbayan. Kailangan ‘yung dalawang porsiyento ng scalawag na pulis na ‘yan, matanggal. Kung hindi matanggal, makulong. Naaawa rin ako do’n sa mga nagtatrabaho na pulis,” ani Cabalza. 

Muli ring nagbabala si Cabalza sa mga pulis niya. 

“’Yung mga dati nang may gawa na ganito, huminto na. ‘Yung nagbabala, huwag nang ituloy dahil kapag nalaman ko ito, nakorner ko sila, ganito na naman mangyayari niyan,” aniya.

Hinihimok din ni Cabalza ang mga taga-Olongapo na magsumbong para mapanagot ang mga tiwaling pulis at matigil ang kanilang pang-aabuso.

-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.