PatrolPH

Pharmally, mas mahal umano ang pagbenta ng supplies sa gobyerno kaysa para sa private firms

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2021 08:39 PM

MAYNILA - Inungkat ng Senado ngayong Martes ang malaking pagkakaiba umano ng presyuhan ng medical supplies na inaalok ng Pharmally Pharmaceutical, Corp. sa pribadong sektor at sa gobyerno.

Ayon sa presentasyon ni Sen. Risa Hontiveros, magkaiba ang preso ng medical supplies ng Pharmally noong Abril 2020 sa orihinal na catalogue ng kumpanya, at sa naging alok nito sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM). 

Sabi ni Hontiveros, nakapagtataka na naging mas mahal pa ang benta ng Pharmally sa gobyerno, kumpara sa alok nito sa pribadong mga kumpanya sa kabila nang maramihan o bulto ang naging pagbili ng supplies ng PS-DBM.

“Tama po ba ako Mr. Dargani, mas mura pa ang nasa price list n'yo ng Pharmally kesa yung presyong binigay n'yo sa gobyerno?" tanong ni Hontiveros.

Dagdag pa ng senador, kung titingnan ang records ng naging purchase orders ng gobyerno sa Pharmally, ang infrared thermometer ay nasa P3,200, ang goggles ay nasa P221.50 kada piraso, at P179.20 ang bawat face shield.

Mas mura ang nakadetalye sa catalogue prices ng kumpanya dahil ang infrared thermometer ay mula lamang P1,999 hanggang P2,200, ang goggles ay P149 hanggang P159, at ang face shield ay nasa P95 hanggang P109 lang.

Sabi ni Mohit Dargani, secretary at treasurer ng Pharmally, wala pa kasing stable na medical supply noon kaya mas mahal ang presyuhan at naging prayoridad nila ang mga items para sa gobyerno.

“I believe, for the price list, these only came out when we had stable supply, also supplied the private market because we prioritized our items for government,” sabi ni Dargani.

Pero sagot ni Hontiveros, ang presyo sa catalogue ay mula pa noong Mayo 2020. Noong mga panahong ito, contemporary aniya ang presyuhan ng Pharmally sa PS-DBM at sa private sector.

“Ironically, mas mahal ang siningil n'yong presyo sa gobyerno kumpara dito sa price list, which you gave around the same time sa mga private sector friends n'yo. So the only thing I can conclude is that, sa gitna ng pandemiya, you were offering supplies and prices grossly disadvantageous sa gobyerno natin. Habang hirap na hirap na ang mga frontliners, iniisip pa ng Pharmally… kumita,” ani Hontiveros.

Pinagsusumite naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang Pharmally ng kanilang source documents sa halaga ng naging bentahan nito ng medical supplies.

“This is a very example of how Mr. Dargani and Pharmally overpriced their sales to the government. That is why it is very important that we get hold of the support documents for the financial statement on cost of sales. It will be shown that there is indeed an overpricing,” sabi ni Drilon.

Muling tinanong ni Drilon si Dargani kung nasa audited financial cost of sales ng Pharmally ang halaga ng kanilang medical supplies. 

Sabi ni Drilon, makailang ulit na tumanggi si Dargani na magsumite ng kanilang source documents subalit agad-agad nitong sinasagot na walang overpricing sa kanilang naging supply sa gobyerno.

Pero sabi ni Dargani, nasagot naman na sa mga nakalipas na hearing ang tanong patungkol sa kanilang audited financial documents.

Dahil dito, kumbinsido si Drilon na marapat lamang na magpatuloy ang detention ni Dargani hanggang hindi nito sinasagot ang kanilang mga tanong.

 PANOORIN

Watch more on iWantTFC

“We’re not declaring you (Mohit Dargani) guilty of any crime. We just want to detain you until you tell the Filipino people thru this committee what is the truth,” ayon sa senador.

Hiniling din ni Drilon sa Blue Ribbon Committee na alamin ang kinaroroonan ni Dargani at Pharmally President Twinkle Dargani, at dalhin sila sa Senado para sagutin ang kanilang mga tanong.

Agad naman itong sinegundahan ng iba pang kapwa mambabatas ni Drilon.

Sabi ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon, kasama na sa mga ipinahahanap sa Office of the Sergeant-At-Arms si Twinkle para dalhin sa Senado.

- Ulat ni Robert Mano, ABS-CBN News

PANOORIN 

Watch more on iWantTFC

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.