PatrolPH

Mga namamatay kada araw dahil sa COVID sa Zamboanga City, dumarami

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2021 06:50 PM

Kuha ng PACCU ZCMC
Kuha ng PACCU ZCMC


Tumaas ang bilang nga mga residente ng Zamboanga City na namamatay araw-araw dahil sa COVID-19 sa loob ng dalawang linggo, ayon sa isang ospital nitong Martes.

Sa tala ng Zamboanga City Medical Center, umabot na sa 6 hanggang 7 ang average ng nasasawi kada araw dahil sa sakit. Noon, nasa 3 hanggang 4 lamang ito.

Nasa kritikal na sitwasyon na rin ang emergency room ng naturang ospital, ayon sa mga opisyal nito.

Sa 230 pasyente na naka-admit sa nasabing ospital, 213 ang nagpositibo sa COVID-19, at 87% sa kanila ay hindi pa nabakunahan. 

Inamin ng Zamboanga City LGU na may kakulangan na sa hospital beds at oxygen supply, pati na rin sa supply ng mga kabaong.

Ayon sa Department of Health-Zamboanga Peninsula, umabot sa 2,687 ang mga aktibong kaso sa Zamboanga City noong Oktubre 13, habang 18,007 ang kabuuang bilang ng mga COVID-19 infection sa lungsod.

Umabot na sa 805 ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa Zamboanga City dulot ng naturang sakit. 

Kailan lang, isinailalim muli sa modified enhanced community quarantine ang buong lungsod hanggang katapusan ng Oktubre. 

Ayon sa DOH nitong Lunes, ang Zamboanga Peninsula ang tanging rehiyon sa bansa na "high risk" sa COVID-19.

— Ulat ni Leizel Lacastesantos


KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.