Security check sa Manila North Cemetery noong Oktubre 19, sa harap ng pagdagsa ng mga bisita bago ito isara sa panahon ng Undas.
Dahil isasara ang mga sementeryo mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 sa Kamaynilaan, narito ang ilang dapat tandaan kung nais bisitahin ang puntod ng mga mahal sa buhay, lalo't may banta pa rin ng COVID-19.
Sa Manila North Cemetery, hanggang alas-5 ng hapon ng Oktubre 29 papayagang pumasok ang mga dadalaw.
Isa-isa ring iniinspeksiyon ng mga pulis ang dalang mga gamit ng mga dadalaw, at bawal pumasok sa loob ang mga sasakyan.
Ayon sa pamunuan ng sementeryo, magpapatuloy ang paglilibing kahit isasara ang sementeryo mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3.
Kailangan ding sumunod sa minimum health standards gaya ng pagsunod sa physical distancing, pagsusuot ng face masks at face shield.
"Dahil alert level 3 na tayo at lumalabas na rin ang mga tao sa kanilang bahay, eh ine-expect na naming magkakaroon ng influx ng mga pupunta sa Manila North, pero tingin ko hindi rin naman ganu'n kadagsa kasi in-anticipate na ng mga tao na magkakaroon ng temporary closure," anang direktor ng sementeryo na si Roselle Castaneda.
Sa Manila Memorial Park sa Parañaque, 1,200 katao lang ang papapasukin kada oras.
"Iko-control namin ang number of visitors. 'Yung entry to the park, at most, 30 percent lang ng capacity ng park, ang aming set number of persons ay 1,200 per visit. Once nag-enter na ang cars, meron kaming slip, nilalagay namin ang number of hours na puwede lang mag-stay and then sa exit gate i-pass na lang nila ang slip na iyon," ani Manila Memorial Park Manager Jocelyn Capule.
Ang San Juan Cemetery, muling in-activate ang kanilang online booking para sa mga dadalaw sa sementeryo simula noong Oktubre 18 hanggang Oktubre 28, at mula Nobyembre 3 hanggang Nobyembre 7.
Anim na time slots ang maaaring pagpilian ng mga pupunta mula alas-8 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi at tig-2 oras silang papayagang manatili sa loob ng sementeryo. Tig-300 lang din ang papapasukin sa bawat time slot.
"Una, 'pakita lang nila ang confirmatory text, kasama ng ID. They will fill out a health declaration form. Bibigyan sila ng numero para makapasok. Pinapayagan hanggang dalawang kasama kapag dadalaw," ani San Juan Mayor Francis Zamora.
"Kung buong araw ninyo gustong nandito, pwede 'yun. Kumuha lang kayo ng maraming timeslot," dagdag niya.
Papayagan naman ang mga walk-in basta't hindi napupuno ang 300 slots ng sementeryo.
Ang Caloocan, magpapatupad ng "first to come, first to get in" policy sa mga bibisita sa mga sementeryo.
Mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi ang oras ng pagbisita.
Maaalalang isasara ang mga sementeryo mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 sa buong Metro Manila dahil sa banta ng COVID-19 pandemic.
Bago magpandemya, milyon-milyon ang mga dumadagsa sa mga sementeryo para bisitahin ang kanilang mga mahal sa buhay bilang tradisyon tuwing Undas.
-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.