PatrolPH

Ilang sektor hati sa bawas-holiday ngayong taon

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2021 08:11 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Hindi gaya ng nakasanayan, may pasok ngayong taon ang Nobyembre 2, pati na ang mga bisperas ng Pasko at Bagong Taon.

Ayon sa Presidential Proclamation 1107 na inilabas noon pang Pebrero 2021, bukod sa iniiwasan ang malalaking pagtitipon, kailangan na ring bawasan ang mga holiday para mas maging produktibo at makabawi ang ekonomiya sa epekto ng pandemya.

Ibig sabihin, may pasok at wala nang 30 percent premium o dagdag sa sahod sa mga araw na ito, ayon sa Bureau of Local Employment ng DOLE. 

Ayon sa grupo ng employers, makatitipid dito ang mga employer na hanggang ngayon ay hirap pa ring makabawi sa matinding pagkalugi mula sa paulit-ulit na lockdown.

Pero ayon sa mga labor group, talo pa rin ang mga manggagawa. 

Maraming negosyo kasi gaya ng mga pabrika ang humihinto talaga ng operasyon sa mga araw na ito.

Ang mga manggagawa naman sa mga sektor na patok tuwing holiday gaya ng mga restaurant, sa mga premium din o sa dagdag sa sahod umaasa ng dagdag-budget.

"Sobrang talo po ang mga manggagawa... Kahit na po dapat ipagpapahinga na 'yan, iga-grab ko pong ipasok para maging double pay po ako. Kasi napakalaking bagay po ngayon na meron kang suweldo na meron pang dagdag kasi nga holiday," hinaing ni Judy Miranda ng grupong KILOS NA Manggagawa.

"Dehado ang manggagawa... Tatlong araw in a year na lang ipagkakait pa ba," ani Julius Cainglet ng Federation of Free Workers.

Depensa naman ni Labor Secretary Silvestre Bello III, mas prayoridad na mapangalagaan ang mga trabaho kaysa madagdagan ang mga walang trabaho.

—Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.