Ikalawang pinakamalaking supplier ng gobyerno sa pandemic deals, ginisa ng Senado

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2021 09:08 PM

 Xuzhou Construction Company, inaming walang government accreditation sa ilang ahensya

MAYNILA - Humarap sa pagdinig ng Senado ang mga kinatawan ng kumpanyang Xuzhou Construction Company, ang ikalawang pinakamalaking nakakopo ng bilyong pisong halaga ng medical supplies sa gobyerno.

Unang sumalang si Rey Gulleben na sa simula pa lang nang pagtatanong ay nilinaw niyang isa lamang siyang liaison officer ng kumpanya.

Kaya natuon ang atensyon ng mga mambabatas sa itinuro niyang boss niyang pinangalanang Robin Han.

Si Han, na isang Chinese, ay nagpakilalang country representative ng Xuzhou sa Pilipinas sa loob ng nakalipas na 10 taon.

Inusisa ni Senator Richard Gordon kay Han ang mga dokumento ng kanilang kumpanya sa pagiging importer ng mga medical supplies.

Inamin ni Han na wala silang accreditation mula sa Bureau of Customs, at wala ring registration sa Securities and Exchange Commission at Department of Trade and Industry.

Pero paliwanag niya, ang Department of Budget and Management (DBM) ang nag-aasikaso ng kanilang clearance para sa delivery ng kanilang medical supplies sa bansa.

“We do not directly import. It’s the DBM who gets from us... The clearance (with Customs) is handled by DBM,” paliwanag ni Han. 

Ito umano ang unang beses na narinig ni Gordon na ginagawa ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) ang paglalakad ng clearance para sa private company. 

“That’s the first time I heard PS-DBM is handling clearances for a private company,” sabi ni Gordon.

PANOORIN 

Watch more on iWantTFC

Sabi pa ni Han, ang DBM ang nagbabawas na rin ng tax para sa kanilang kumpanya. Paliwanag pa niya, wala silang opisina sa Pilipinas kaya wala silang registration sa SEC at iba pang ahensiya ng pamahalaan.

“No, we are an international trade company, not a local company. We don’t have an overseas office. The clearance is done from the company who boughts from us. We are not only doing business in the Philippine (we only had two transactions). I would like to reiterate that we have done many transactions with other countries but not with the Philippines,” sabi ni Han.

Dagdag niya, bilang isang international company, alam nila ang mga pangangailangan ng ibang mga bansa sa medical supplies gaya ng Pilipinas. 

Sumulat aniya sila sa PS-DBM para mag-alok ng kanilang supply sa gobyerno.

HAN: NAGBABAYAD KAMI NG BUWIS

Samantala, itinanggi ni Han na kilala niya ang dating presidential economic adviser na si Michael Yang na itinuturo ding nasa likod umano ng pakikipag-transaksyon ng Pharmally sa PS-DBM.

Nang usisain naman siya kung nagbabayad ang kanilang kumpanya ng buwis sa gobyerno, sumagot siya: “Yes, they deducted taxes (It was written there, that’s 12 percent.) Because we are not an import company, we are not registered. Because we are international trading, it’s actually the buyer who pays the taxes."

Pero sabi ni Senator Panfilo Lacson, kung hindi naman rehistrado sa Bureau of Internal Revenue ang kumpanya ni Han, malabong mabawasan din ito ng value added tax o VAT sa pagpasok ng kanilang supplies sa bansa.

Base sa pagsisiyasat ng Right to Know, Right Now! Coalition, nasa halos P1.9 bilyon ang nakuha ng Xuzhou Construction para sa pandemic supplies ng gobyerno. 

Patuloy ang pagdinig ng Senado sa umano'y kuwenstiyonableng paggasta ng administrasyon para sa medical supplies sa gitna ng COVID-19 pandemic. 

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more on iWantTFC