Ipatutupad na rin sa ibang lugar sa Pilipinas ang bagong COVID-19 alert level system simula Miyerkoles, sabi ngayong Martes ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ang pilot implementation ng bagong 5-level alert system, na naaayon sa dami ng kaso ng COVID-19 sa isang lugar at kapasidad ng mga ospital, ay isinagawa sa buong Kamaynilaan simula noong ika-16 ng Setyembre. Sinasabayan ito ng pagpapatupad ng granular lockdown sa ilang lugar.
Bago nito, ang apat na uri ng community quarantine classification ang ipinatutupad sa bansa.
Simula Oktubre 20 hanggang 31, epektibo ang mga sumusunod na alert level sa mga sumusunod na lugar:
- Alert Level 4 - Negros Oriental, Davao Occidental
- Alert Level 3 - Cavite, Laguna, Rizal, Siquijor, Davao City, Davao del Norte
- Alert Level 2 - Batangas, Quezon province, Lucena City, Bohol, Cebu City, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Cebu province, Davao de Oro, Davao del Sur, Davao Oriental
Ayon kay Roque, bahagi ang pagpapalawig sa pilot study ng bagong alert level system, kaya ang natitirang bahagi ng bansa ay sasailalim pa rin sa community quarantine.
"Ito naman po ay kabahagi pa rin ng pilot study… Ilang rehiyon pa lamang ang na-include," ani Roque.
Sa ilalim ng bagong alert level system, papayagan ang indoor dining sa 10 porsiyentong venue capacity sa Level 4, 30 porsiyento sa Level 3, 50 porsiyento sa Level 2, at 100 porsiyento sa Level 1, pero para lamang sa mga fully vaccinated na customer.
Parehong kapasidad din ang ipatutupad sa mga sumusunod:
- Indoor fitness studio, gym at venue ng contact sports
- Mga social event gaya ng birthday party at wedding reception
- Meetings, incentives, conferences at exhibitions
- Theme parks at arcades
- Personal care establishments gaya ng barbershop at mga salon
Pagdating naman sa outdoor dining at iba pang mga outdoor na establisyimento, 30 porsiyento ang venue capacity sa Level 4, 50 porsiyento sa Level 3, 70 porsiyento sa Level 2, at 100 porsiyento sa Level 1, ano man ang vaccination status ng kostumer.
Samantala, inamyendahan naman ng Inter-Agency Task Force ang basehan para isailalim sa Alert Level 1 ang isang lugar.
Dapat umano ay aabot ng 70 porsiyento ang full vaccination ng eligible population ng lugar, kabilang ang mga senior citizen at may mga comorbidity.
Naniniwala ang ilang eksperto na posibleng maibaba sa Alert Level 2 ang Metro Manila pagdating ng kapaskuhan kung magtutuloy-tuloy pa ang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19.
Ayon kay Roque, kailangan pang pag-aralan ang datos sa COVID-19 sa pagtatapos ng Oktubre.
Patuloy namang nagpaalala ang mga opisyal sa publiko na huwag masyadong magpakakampante sa patuloy na pagbaba ng mga kaso, lalo't nariyan pa rin ang banta ng mas nakakahawang Delta variant.
Nitong Martes, nasa 4,496 ang iniulat ng Department of Health na bagong COVID-19 cases sa bansa, para sa kabuuang 2,731,735 na mga kaso. Ang active cases ay 63,637.
— Ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.