PatrolPH

2 aksidente sa Isabela: 2 patay, 6 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2021 12:25 AM

Patay ang driver ng isang kotse matapos bumangga sa kasalubong na van sa national highway ng Barangay San Fernando, Alicia, Isabela Linggo ng gabi. 

Kinilala ang nasawi na si Alfredo Gumpal, 21, residente ng Barangay Linglingay sa nasabi ring bayan. 

Sa imbestigasyon ng pulisya, patungong hilagang direksyon ang kotse nang biglang mawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver hanggang napunta sa kabilang linya kaya nabangga ang van. 

Naisugod pa sa ospital si Gumpal na nagtamo ng malalang sugat sa katawan, pero idineklarang dead on arrival ng umasikasong doktor.
Sugatan naman ang 6 na sakay na van kabilang ang driver na si Raffy Tabalanza, 30, taga-Pasay City. 

Samantala, nasawi rin ang isang motorcycle rider sa aksidenteng kinasangkutan sa national highway ng Baranggay Sillawit, Cauayan City pasado alas-6 ng gabi noong Linggo rin. 

Ayon sa pulis, nabangga ng motorsiklo na minamaneho ni Darius Madamba, 40, ang poste ng bakod matapos mag-overtake sa sinusundang SUV. 

Susunduin sana ng biktima ang kaniyang misis na nagtatrabaho sa Santiago City nang mangyari ang aksidente.

- ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.