Law office sa Legazpi City nilooban; kalahating milyon na cash, gadgets natangay

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2020 03:35 PM | Updated as of Oct 20 2020 12:21 AM

Wala na ang laptop, sports camera, cellphone, at P500,000 cash ni Atty. Arvin Belarmino nang datnan niya ang opisina noong Linggo. Karren Canon

LEGAZPI CITY, Albay — Isang opisina ng abogado sa lungsod na ito ang nilooban noong Linggo, kung saan nasa higit P500,000 cash at sari-saring gadgets ang natangay ng kawatan.

Nagkalat ang mga gamit sa loob ng nirerentahang law office ni Arvin Belarmino nang madiskubre niya ito bandang alas-3 ng hapon noong Linggo.

Wala na ang kanyang laptop, sports camera, cellphone na nakalagay sa drawer, at P500,000 cash na nasa loob umano ng cabinet. 

Sabi ni Belarmino, suwerteng hindi nadamay ang mga dokumentong may kinalaman sa mga hinahawakan nilang kaso. 

Ayon kay Police Lt. Col. Rodelon Betita, hepe ng Legazpi City Police Station, sa exit gate ng building dumaan ang kawatan at umakyat papuntang second floor gamit ang fire ladder. 

Binasag daw nito ang glass window ng law office kaya nakapasok.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. 

—Ulat ni Karren Canon

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.