Pensiyon ni Albayalde nanganganib sakaling makasuhan kaugnay ng ‘ninja cops’

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2019 07:02 PM | Updated as of Oct 19 2019 07:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Posibleng ilabas na sa susunod na linggo ng National Police Commission (Napolcom) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang resulta ng kanilang imbestigasyon kaugnay sa tinaguriang "ninja cops."

Sentro ng kontrobersiya ang nagbitiw na Philippine National Police (PNP) chief na si Gen. Oscar Albayalde na sinasabing nanghimasok at prinotektahan umano ang mga dating tauhan na dawit sa drug recycling. 

Halos P150,000 ang buwanang sahod ng hepe ng PNP at iyan din ang patuloy niyang matatanggap kada buwan bilang pensiyonado matapos magretiro.

Pero ang pensiyon ni Albayalde, na magreretiro sa Nobyembre 8, nanganganib pa matapos itong madawit sa kontrobersiya ng ninja cops.

"Iyung terminal leave, hindi puwedeng pigilin, pero 'yung mga monthly pension, 'yun ang puwedeng abutan ng decision ng administrative cases, 'yun ang puwedeng ipahinto," sabi ni Atty. Rogelio Casurao, Napolcom vice chairman. 

Sabi ng Napolcom, maaari silang kumuha ng ilang ebidensiya sa naging report ng Senate Blue Ribbon Committee na sinabing dapat kasuhan ng graft at drug cases si Albayalde at iba pang ninja cops.

"We still have how many days from today until November 8. If there’s real strong indication na mayroon siyang pananagutan dito, puwedeng mag-initiate tayo ng admin case," ani Casurao.

Sa isang pahayag, sinabi ng PNP na hahayaan nitong gumulong ang batas at katarungan.

Lahat ng akusado ay nananatiling inosente hanggang mapatunayang nagkasala, dagdag ng PNP.

Samantala, hawak na ng Malacañang ang committee report ng Blue Ribbon.

—Ulat ni Michael Joe Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.