Online shopper inireklamo ang courier na 'nakialam' umano ng package

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2019 04:09 PM | Updated as of Oct 20 2019 05:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- (UPDATE) Isang online shopper ang nagreklamo sa "Tapat Na Po" matapos umanong kalkalin at tangayin ng delivery service provider ang kaniyang mga pinamili.

Kuwento ni Maricel Udjan, 3 pares ng pambatang sapatos ang inorder niya sa isang online shop.

Dahil sanay na daw siya sa online shopping, kampante siyang matiwasay na maide-deliver sa kaniya ang package tulad ng mga dating transaksiyon.

Pero pagdating pa lang ng order, pansin agad ni Udjan na tila binulatlat at pinakialaman ito.

Nang buksan ay kumpirmadong kulang nga ang items na idineliver ng courier ng J&T Express.

"Hinabol ko 'yung rider tapos sabi ko, kuya kulang ng isang item," kuwento ng babae.

Pero dahil wala daw malay ang driver, pinalampas ito ng complainant at nakipag-ugnayan na lang siya sa mismong kompanya.

Sa kabila ng paulit-ulit na pagpa-follow-up, walang napala si Udjan.

"Kailangan ko pa tumawag para maka-receive ng update... Hassle," hinaing ng complainant.

Matapos ang ilang linggo, natanggap na ni Udjan ang refund niya noong Oktubre 10.

Pero hindi ito ang unang pagkakataon na may nagreklamo sa "Tapat Na Po" ukol sa kapalpakan umano ng J&T Express.

May isa ring customer ang J&T Express na nagreklamo dahil Hulyo pa daw pumalya ang delivery pero Oktubre na nakuha ang refund.

Dumulog ang "Tapat Na Po" sa Department of Information and Communication Technology (DICT) at napag-alamang wala pa palang rehistro sa Postal Regulation Division ang J&T Express dahil pending pa ang application nito.

Payo ng DICT sa mga konsumer, maging maingat sa pagtangkilik ng serbisyo ng mga kahinahinalang kompanya at alamin muna kung rehistrado ito.

Nitong Linggo, nagbigay ng pahayag ang J&T Express at inako ang mga pagkukulang nila.

Humingi rin ito ng paumanhin sa nangyari at naayos na umano nila ang naging problema.

"[W]e take full responsibility from any loss or damaged parcel... With regards the news report concerning the lost item, we would like to assure the public that the customer/receiver was paid proper reimbursement for the loss the customer/receiver incurred," anila.

Tiniyak din ng kompanya na tinutugunan nila ang anumang reklamo na kanilang natatanggap.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.