Kawani ng gobyerno patay sa pamamaril sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2019 04:11 AM

Nauwi sa madugong insidente ang pagdiriwang sana ng kaarawan sa Barangay Tabuc, Suba, Jaro, Iloilo City. Nony Basco, ABS-CBN News

ILOILO CITY—Patay ang isang kawani ng Iloilo City Government matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin sa Jaro, Iloilo City Biyernes ng gabi.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan si Felix Arjenal Jr. na nagtatrabaho sa Iloilo City Government.

Base sa imbestigasyon, masayang nag-iinuman ang biktima, kasama ang iba pa, sa birthday party sa Barangay Tabuc Suba.

Bigla na lang umanong pumasok ang salarin na nakasuot ng bonnet at pinagbabaril si Arjenal.

"Pagkatapos niyang magpaputok, sumigaw pa siya na dapat kayong lahat," ayon sa isang testigo.

Kuwento ni Tacas Barangay Chairman Joseph Porral, dating drug surrenderer ang biktima sa Oplan Tokhang.

"Hindi ko siya nakita na nagbebenta ng ilegal na droga pero sumuko siya sa Jaro Police Station 2 years ago," aniya.

Palaisipan sa pamilya ang motibo sa pamamaslang dahil wala umanong kaaway si Arjenal.

Ayon sa pulisya, may 3 kasamahan pa ang gunman na sakay sa 2 motorsiklo.

Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng kalibre .45 na baril.—Ulat ni Nony Basco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.