Jewelry stores sa mall sa Cebu, nilooban ng ilang armadong salarin

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2019 09:58 PM | Updated as of Oct 19 2019 11:22 PM

Kita ang mga salamin na pinagbabasag ng ilang armadong salarin sa panloloob sa J Centre Mall sa Mandaue City sa Cebu nitong Sabado, Oktubre 19, 2019.

(UPDATE) Ilang tindahan ng alahas sa isang mall sa Mandaue City sa Cebu ang pinasok at ninakawan ng ilang armadong salarin nitong Sabado.

Nangyari ang panloloob sa J Centre Mall sa Barangay Bakilid ng nasabing lungsod alas 7 ng gabi.

Ayon sa dalawang saleslady sa upper ground floor ng mall, may narinig silang mga pagsabog at putok ng baril na sinundan ng mga sigawan kaya agad silang tumakbo palabas ng mall.

Mga 14 na suspek umano ang pumasok sa mga nasabing tindahan sa pangalawang palapag ng mall at pinagbabasag ang mga lalagyan ng alahas gamit ang ilang martilyo.

Pinadapa umano ng mga suspek, ang dalawa gwardiya at isang babae.

Tumakas ang mga suspek sa isang basement na katabi ng isang exit ng naturang mall.

Kita sa CCTV na sunod-sunod na lumabas ang 11 armadong lalaki pababa ng basement. Samantalang sa kabilang exit naman, nakitang lumabas ang tatlo pang armadong lalaki.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya. Kinukumpirma kung ilan ang mga gwardiya at tauhan ng mga jewelry stores at pawnshop na pinasok ang nasugatan.

Ipinagbawal ng mga awtoridad ang pagpasok ng mga customers sa loob ng mall.

- Ulat ni Chris Mahilum, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.