Intel police patay, 3 anak sugatan sa pananambang

Yen Mangompit, ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2019 04:44 PM

Patay ang isang pulis habang sugatan naman ang kaniyang tatlong anak matapos silang tambangan ng mga salarin na lulan ng motorsiklo, Biyernes ng gabi sa General Santos City.

Sa eskinita sa Barangay San Isidro napahinto ang kotse na minamaneho ni Police M/Sgt. Emanuel Coronado.

Ayon sa mga residente, palabas ng kanto ang sasakyan nang biglang may narinig silang mga putok ng baril.

Lumabas pa raw ng sasakyan ang isang bata na umiiyak at humihingi ng saklolo.

Agad dinala sa ospital si Coronado at tatlong anak nitong kasama sa sasakyan.

Tadtad ng tama ng bala mula sa kalibre .45 na baril ang sasakyan ni Coronado. Posible umanong inabangan ng mga salarin ang biktima sa kanto.

“Kagagaling lang niya sa station, nung gabing 'yon may ginagawa kaming operasyon, umuwi siya sandali at mga 9:30 umuwi siya sa kanila at kinuha niya 'yung mga anak niya, palabas sila nung inabangan sila nung mga suspek," sabi ni Maj. Alex Lanestosa, hepe ng Police Station 4.

Daplis na tama ng bala sa braso ang tinamo ng dalawang anak ng biktima, edad 15 at 13, na nakasakay sa likod. Isasailalim naman sa operasyon ang 8-taong gulang na bunsong anak na nakaupo sa front seat matapos tamaan sa katawan.

Hindi pa makausap ang pamilya dahil abala pa sila sa ospital.

Nakatalaga sa Police Station 4 si Coronado bilang chief intelligence operative kaya positibo ang pulisya na may kinalaman sa trabaho ang krimen.

“Kung personal wala akong alam na personal na kalaban pero sa trabaho marami po tayong nasasagasaan," sabi ni Lanestosa.

Habang patuloy ang imbestigasyon, may persons of interest nang tinututukan ang pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.