78 estudyante hinihinalang na-food poison sa Bohol

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2019 08:02 PM | Updated as of Oct 19 2019 08:19 PM

CANDIJAY, BOHOL - Aabot sa 78 estudyante ang isinugod sa Candijay District Hospital sa bayang ito matapos makaramdam ng sintomas ng food poisoning.

Ayon kay Bohol provincial health officer Dr. Reymoses Cabagnot, nakaranas ng pagsusuka at pananakit ng ulo ang mga estudyante, na dumadalo sa congressional meet.

Noong Biyernes, napansin umano ng mga estudyante na may masangsang nang amoy ang pagkain na inihain sa kanila para sa kanilang almusal at tanghalian pero kinain pa rin nila ito.

Nagsimulang isugod ang mga estudyante sa ospital, gabi ng Biyernes.

Ayon kay Cabagnot, noong Huwebes pa kinatay ang baboy na ginamit para sa ulam ng mga estudyante, at ipinreserba ito gamit ang asin at mainit na tubig.

Magmula alas-2 ng hapon ng Sabado nasa 15 na estudyante na lang ang naka-admit at inoobserbahan ng mga doktor.

Planong magsulat ng liham ni Cabagnot sa Department of Education sa Bohol para maimbestigahan ang insidente.

-- Ulat ni Christopher Mahidlawon Mahilum, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.