Umano'y magnanakaw patay sa engkuwentro sa Batangas

Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2018 05:13 PM

Patay ang isang lalaking hinihinalang magnanakaw ng motorsiklo matapos maka-engkuwentro ng mga pulis sa isang checkpoint sa Malvar, Batangas nitong Biyernes.

Ayon sa Malvar Police, sinubukan nilang parahin ang lalaking sakay ng motorskilo pero sa halip na huminto ay pinaputukan umano sila nito.

Gumanti ng putok ng baril ang mga pulis. Sa sementeryo umabot ang habulan at doon na nagkaroon ng palitan ng putok kung saan nasawi ang lalaki.

Narekober ang isang kalibre .45 na baril at pakete ng pinaniniwalaang ilegal na droga.

Lumabas naman sa inisyal na imbestigasyon na hinihinalang magnanakaw ng motorsiklo ang lalaki. Wala pa itong pagkakakilanlan at wala ring plaka at kaukulang dokumento ang ginamit na motorsiklo.

"'Yung dala niyang motorcycle is unidentified, without any plate number, without any registration kaya hindi namin maano rin kung saan niya nakuha 'yung motorcycle na 'yun. Pati siya unidentified din," ani Senior Insp. Llewelyn Reyes, hepe ng Malvar Police.

Sinusubukan din daw ng mga pulis na makakuha ng kopya ng CCTV sa lugar na pinangyarihan ng insidente. 

Nasa kustodiya ng Scene of the Crime Operatives ang mga nakumpiskang ebidensya, kasama ang ginamit na motorsiklo.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.