SUV nahulog sa tulay sa Isabela; 2 patay

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2018 12:54 AM

 

Patay ang dalawa sa tatlong sakay ng isang SUV na nahulog sa tulay sa sa bayan ng Angadanan, Isabela nitong Huwebes ng hapon.

Dead on arrival sa ospital sina Jean Almario at Marilyn Balauag habang sugatan ang driver na si Sammy Almario, 59.

Ayon kay Senior Insp. Ardee Tion, hepe ng Angadanan Police, papunta sana sa bayan ng San Guillermo ang mga biktima.

Pero habang binabaybay ang Pigalo Overflow Bridge ay nahulog sa ilog ang sasakyan matapos mawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver.

"Yung tulay natin diyan ay dati nang naputol, pero dinugtungan lang bakal na platform. Sa dulo nung bakal ay medyo pa-curve ng konti. Prumeno siya dun, pero hindi na raw kumapit," ani Tion.

Rumisponde naman ang rescue team kung saan unang nailabas sa lumubog na sasakyan ang driver. Kapwa wala nang malay ang dalawang pasahero nang sila ay maiahon.

"Hinihintay pa natin ang resulta ng eksaminasyon ng doctor kung ano naging dahilan ng kanilang pagkamatay, kung sila ba ay nauntog o nalunod," ayon kay Tion.

Tinitignan din daw nila ang madulas na daan dahil nang mangyari ang aksidente ay biglang bumuhos ang malakas na ulan.

"Dumadaan naman tayo diyan at napapansin talaga natin yung epekto ng basang daan, hindi talaga kumakapit yung preno," ani Tion.

Ibayong pag-iingat ang payo ng awtoridad sa mga motorista at tiyaking maayos ang kondisyon ng sasakyan at driver bago bumiyahe para makaiwas sa mga sakuna. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.