Pulis-Maynila, inirereklamo dahil sa 'pananakit' ng tanod

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2018 04:07 AM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Inirereklamo ang isang pulis matapos umanong manakit ng barangay tanod sa Maynila.

Kuwento ng biktima, lumabas siya ng bahay Huwebes ng madaling-araw para bumili ng beer at pulutan.

"Pagdaan ko, pina-shot ako, then sabi sa'kin, adik ka ba? Sumagot ako, hindi ako adik," aniya.

Doon na umano nagsimula ang tensiyon nila.

Sa kuha ng CCTV ng Barangay 754, sinuntok at tinulak ng pulis ang biktima na natumba sa gilid ng eskinita. Bumunot at nagkasa pa umano ng baril ang pulis.

Inireklamo na ng biktima ang pulis ng physical injury sa Manila Police District (MPD).

Depensa naman ng nanay ng pulis, maayos na nakipag-usap ang kaniyang anak. Ang biktima umano ang naunang nagbanta.

"Inambahan ng 2 bote eh. Pinigilan ko na nga," aniya.

Wala ang pulis sa bahay nila nang dumalaw ang ABS-CBN News. May ranggo itong police officer 1.

Ayon naman sa biktima, sinubukan na nanay ng pulis na makipag-ayos pero hindi siya pumayag.

"Humanda ka na. Hindi lahat kaya mo," pahayag nito sa pulis.

Pinaiimbestigahan na ng MPD ang insidente. - ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.