PNP chief, aminado na nagkulang ng intel kaya 3 pulis napatay sa CamSur

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2018 08:27 PM | Updated as of Oct 19 2018 09:10 PM

Watch more in iWantTFC

Aminado si Philippine National Police chief, Director General Oscar Albayalde na nagkaroon ng kakulangan, lalo na sa intelligence information, kaya nangyari ang pananambang sa Camarines Sur na ikinasawi ng tatlong pulis.

"Mayroon tayong nakita na medyo may pagkakamali at medyo naging, siguro, mayroon tayong pagkukulang sa intelligence. In any operation kasi lalong lalo na dito Bicol region, alam naman natin na mayroong laman itong Bicol region na hindi tayo puwede talagang maging complacent dito," aniya.

Una nang nilinaw ng PNP na hindi si Food and Drugs Administration Nela Puno ang target ng pananambang. Nagkataon lamang umano na siya ang opisyal na sinamahan ng mga pulis.

Inako na rin ng Norben Gruta Command ng New People's Army ang pananambang.

Nakiramay si Albayalde sa pamilya ng tatlong pulis na namatay sa pananambang sa sa Lupi, Camarines Sur nitong Huwebes.

Nakaburol sa Camarines Sur Police Provincial Office ang mga labi nina PO1 Ralph Jason Vida, SPO1 Percival Rafael at PO3 Carlito Navarozza.

Bukod sa pakikiramay sa pamilya ng mga nasawing pulis, ginawaran rin ng medalya ni Albayalde ang mga pulis na nasugatan sa insidente.

Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang dalawang babaeng pulis at dalawang lalaking pulis na kasama sa tinambangang patrol vehicles.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.