Kambal na bata, patay nang mahulog sa balon

Romeo Subaldo, ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2018 12:18 PM

Sa balon na ito natagpuang nakalutang ang dalawang taong gulang na kambal na sina Sarah at Kara. Balak ng kanilang pamilya na patabunan na ng lupa ang balon.

VICTORIAS CITY, Negros Occidental - Patay ang dalawang taong gulang na kambal matapos aksidenteng mahulog sa balon noong Miyerkoles ng umaga sa Barangay 10 sa lungsod na ito.

Sa mismong kabaong na lamang nina Sarah at Kara Mendoza ipinatong ng kanilang amang si Arnold ang pasalubong na lollipop.

“Araw araw kasi 'yan yung tugon nila sa akin na pasalubong, lollipop,” sabi ni Arnold.

Miyerkoles ng umaga habang nagtatrabaho sa taniman ng tubo si Arnold at naglalaba naman sa ilog ang kaniyang misis na si Glenda nang iwan nila ang kambal sa kaniyang biyenan na si Hilda.

Kagagaling lamang din ni Hilda mula sa pagbabantay sa kapatid na may sakit. Dahil sa pagod, nakatulog ito at wala na ang kambal pagkagising niya.

Nakita na lamang ng isa pa niyang anak na nakalutang sa balon ang kambal.

Dinala nila sa ospital ang kambal ngunit patay na ang mga ito.

Kwento ni Glenda, humingi pa ng tulong ang isa sa mga kambal sa kaniyang pinsan na isa ring bata pero hindi nito naitindihan ang sinasabi ni Kara.

Posible umanong nadulas si Sarah kaya't humingi ng tulong si Kara.

“Dahil siguro walang may mahingan ng tulong, siya na ang tumulong sa kaniyang kambal pero pati siya nalunod din,” sabi ni Glenda.

Plano nilang patabunan na lamang ng lupa ang balon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.