Fastcraft, cargo ship nagbanggaan sa Cebu, 4 sugatan

Leleth Rumaguera, ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2018 11:27 AM | Updated as of Oct 19 2018 12:21 PM

Sira ang likurang bahagi ng M/V Fast Cat MII kung saan nakaupo ang apat na pasaherong nasugatan sa aksidente. Palabas na ang nasabing sasakyang pandagat sa Lawis Ledge sa Talisay City nang makasalubong at makabanggaan ang cargo ship na M/V Ocean United. Larawan mula kay Jojo Satuita.

TALISAY CITY, Cebu – Apat katao ang dinala sa pagamutan matapos na magkabanggaan ang dalawang sasakyang pandagat, Huwebes ng gabi.

Nasugatan sa kamay at paa sina Daniel Fuentes, Manuel Veloso, Anacleto Dico Jr. at isa pang pasahero na agad na dinala sa Vicente Sotto Memorial Medical Center.

Kasama sila sa 70 pasahero ng M/V Fast Cat MII na umalis papuntang Tubigon, Bohol. Nakasalubong nito ang M/V Ocean United sa Lawis Ledge sa Talisay City.

Sira ang likurang bahagi ng Fast Cat kung saan nakaupo ang mga pasaherong nasugatan.

Ayon sa kapitan nito na si Captain Mark Dave Pañibon, palabas na sana sila ng Lawis Ledge nang makasalubong ang cargo ship.

Nagpapatuloy ngayon ang imbestigasyon ng Philippine Coastguard Cebu station para mabatid din kung may komunikasyon bang nangyari sa dalawang kapitan bago nangyari ang aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.