Batang tapat, nagbalik ng pitakang nasa P30K ang laman

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2018 09:53 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Laking tuwa ng isang negosyante na naibalik sa kaniya ang nawalang wallet na naglalaman ng tinatayang P30,000 cash mahigpit tatlong linggo na ang nakalipas.

Ayon kay Ferdaus Mangacop, tila para pa ring panaginip ang pagsauli sa kaniyang pitaka.

"Hindi ako makapaniwala. Sino naman ang hindi matutuwa, P30,000 'yun parang panaginip. Sabi ko sa sarili ko bahala na. Baka 'yun ang mas mabuti sa atin," sabi ni Mangaop sa panayam ng Lingkod Kapamilya Biyernes ng umaga.

Ang perang laman ng itim na pitaka ay pambayad sana sa dalawang buwang renta ng kaniyang cellphone shop.

Isang walong taong gulang na batang si Zander Samson ang nakapulot ng kaniyang wallet habang pasakay sila ng MRT sa Cubao station ng kaniyang lola noong Setyembre 29.

Kuwento naman ng lola ng bata na si Marlene, may iniabot sa kaniya ang apo habang nagbabayad sila ng pamasahe sa MRT. Hindi niya ito tiningnan at ipinalagay na lamang sa loob ng bag.

Pagdating nila ng bahay itinanong muli ng bata ang tungkol sa kaniyang napulot.

Hindi naman agad naipagbigay-alam ni Marlene sa may-ari na napulot nila ang wallet dahil nagkasakit ang kaniyang ina.

Ipinagdasal na lamang niya na mabigyan siya ng sign kung paano maisasauli ang wallet sa may-ari.

Dumating naman ang sign na hinahanap niya nang makita niya si Ted Failon sa isang restaurant. Hiningi ni Failon ang detalye kaya’t nakaabot sila sa programang Lingkod Kapamilya.

Para kay Mangacop, tila nabawasan ang kaniyang problema nang maibalik ang wallet at laking pasasalamat niya sa batang nakapulot nito.

"Maraming, maraming salamat sa pagbalik sa akin ng pera ko kasi malaking halaga ito, lalo na po sa inyo nanay, maraming maraming salamat po," sabi ni Mangacop.

Bilang pasasalamat, inabutan din niya ng konting halaga ang bata.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.