3 sugatan, 150 pamilya nawalan ng tirahan sa sunog sa Tondo

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2018 05:23 PM

Tatlo ang sugatan habang nasa 150 pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog na sumiklab sa Happyland sa Tondo, Maynila nitong Biyernes.

Karamihan sa 50 bahay na nasunog ay gawa sa light materials at dikit-dikit kaya mabilis na kumalat ang apoy, ayon kay Senior Insp. Reden Alumno ng Bureau of Fire Protection (BFP) Manila.

Tatlo ang sinasabing nasugatan sa sunog kabilang na si Jerome Gellido at Rodel Devaras, na nagkasugat sa ulo sa kasagsagan ng sunog. 

Dahil naman sa kapal ng usok, hinimatay ang isang lalaki na kinailangang bigyan ng oxygen ng rumespondeng rescue team. 

Nagsimula ang sunog bandang alas-12 ng tanghali na umabot sa ikalawang alarma bago idineklarang under control alas-2:28 ng hapon.

Pinabulaanan din ng BFP na may na-trap o nawawalang dalawang bata sa gitna ng sunog.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.