2 nang-agaw ng motor ng babaeng papunta sa party, patay

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2018 08:24 PM | Updated as of Feb 23 2020 12:11 PM

Watch more in iWantTFC

Patay ang dalawang dawit sa pagnanakaw ng motorsiklo sa Tondo, Maynila matapos nilang makaengkuwentro ang mga pulis madaling araw nitong Biyernes. 

Sa kuha ng CCTV alas-3 ng madaling araw, makikita na naka-motor at papunta sana sa isang party si alyas "Ana" nang biglang harangin ng isa pang motor sakay ang dalawang lalaki na may baril.

Maaaninag ang pagbagsak sa gilid ng kalsada ni Ana saka tinangay ang kaniyang motor.
    
Dumiretso pa-Navotas ang mga suspek pero hindi na sila nakalabas pa ng Maynila dahil bago pa makaabot sa checkpoint ay umiwas at nag U-turn ng motor ang mga ito. 

Nang magkahabulan, nagkapalitan na umano ng putok kung saan napatay ang dalawang suspek na hindi pa nakikilala.

Tinatayang nasa edad 20 hanggang 25 anyos ang dalawang lalaking napatay.

Nabawi naman ang motorsiklo ng biktima.

Nalaman pa ng pulisya na ang mga motorsiklo tulad ng gamit ni Ana na nasa P35,000 ang halaga ay naibebenta na lang ng mga kawatan ng P15,000 kahit walang papeles. 

—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.