2 lalaking 'nagnakaw' ng motorsiklo, patay sa engkuwentro sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2018 06:05 AM | Updated as of Oct 19 2018 08:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

QUEZON - Patay ang 2 hinihinalang kawatan sa engkuwentro laban sa mga pulis sa Tayabas City, Quezon Huwebes ng gabi.

Wala pang pagkakakilanlan ang mga lalaki na nakuhanan ng mga baril at sachet ng hinihinalang shabu.

Kuwento ng biktima, sakay siya ng motorsiklo at ihahatid ang girlfriend at kaibigan nang harangin sila ng isang kotse.

Bumaba sa sasakyan ang 2 lalaki at tinutukan ng baril ang mga biktima. Kinuha ng mga lalaki ang bag at umalis sakay ng motorsiklo ng biktima.

Agad inireport ng mga pulis ang insidente at namataan ang mga lalaki sa follow-up operation.

Nakipagbarilan umano ang mga lalaki sa mga pulis na dahilan sa kanilang pagkamatay.

Ayon sa Tayabas police, notoryus ang grupo sa pang-aagaw ng motorsiklo sa Quezon.

"Maraming nakawan sa nearby municipality natin na 'yung grupo na 'yun nambibiktima at nagnanakaw ng motor," ani Supt. Mark Laygo, hepe ng Tayabas police.

Pinaghahanap pa ng mga pulis ang iba pang kasamahan ng mga napatay na lalaki. - ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.