11 tiklo sa anti-drug ops sa QC

Jeck Batallones, ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2018 05:11 AM

MAYNILA - Magdamag naging abala ang puwersa ng Quezon City Police District (QCPD) dahil sa sunod-sunod na drug operation at anti-criminality campaign kung saan 11 ang naaresto.

Unang naaresto sa buy-bust operation bandang alas-8 kagabi ang 3 barker ng dyip sa Timog Avenue. Walong sachet ng hinihinalang shabu ang nakuha sa kanila.

Sa halos kasabay na oras din, 4 ang arestado sa Barangay San Martin de Pores sa Cubao dahil sa pagbebenta at paggamit ng shabu.

Nakunan pa ng surveillance video ang target ng operasyon habang bumabatak. Labing isang sachet ng hinihinalang shabu ang nakuha sa kanila.

Sa Barangay Culiat naman, 3 lalaki rin ang naaresto sa anti-criminality campaign ng QCPD Station 3. 

Isang concerned citizen ang nagtimbre sa mga pulis at sinabi na may drug session sa isang bahay. Apat na sachet ng hinihinalang shabu ang nakuha sa mga suspek.

Samantala, sinubukan pang itago ng isang lalaki ang mga pinatuyong marijuana sa kaniyang brief sa Barangay Sacred Heart.

Ayon sa barangay, kaduda-duda ang kilos ng suspek kaya sinita nila ito pero biglang nagtatakbo.

Nang masukol ng barangay, nakita sa kaniyang panloob ang mga marijuana na ayon sa kaniya ay para sa sakit niyang hika.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.