Pulis nanakal, namalo umano ng binatilyo sa Pasay

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 09:17 AM | Updated as of Oct 19 2017 06:08 PM

MANILA - (UPDATE) Tinanggal sa puwesto ang isang pulis matapos siyang ireklamo nang sakalin at palu-paluin niya sa mukha umano ang isang 12-anyos na lalaki sa Maricaban, Pasay, Miyerkoles. 

Kuwento ng batang si "Jordan," naglalakad siya sa Saint Catherine Street pasado alas-5 ng hapon nang buhusan umano siya ng tubig ni PO3 Ferdinand Dator na nakikipag-inuman noon sa kalye habang naliligo.
 
Dito na umano narinig ng isang saksi na nagsisisigaw si Dator ng, "'Di mo ako iginalang." Sumagot naman aniya ang bata ng "talagang 'di kita gagalangin," bago ito narinig na umiiyak. 

Sinabi ni Jordan na sinakal siya ni Dator at hinambalos sa ulo ng plastic na tabo. 

Matapos nito, nakawala ang bata at kinagat ang pulis sa tiyan. Pero nahuli ni Dator si Jordan at pinagkasya ang mukha nito sa tabo hanggang magkasugat-sugat, sabi ni Clemente Evan Basinillo, chairman ng Barangay 179. 

"Nakita namin na nanlupaypay ang bata," dagdag ni Basinillo. 

Dinala si Jordan ng mga kuya niya sa barangay. Basang-basa ang bata, walang damit at nakapaa nang dumating ito sa lugar, sabi ng isang tanod na nakiusap na huwag pangalanan. 

Dinala aniya kinalaunan ang bata sa ospital. 


PALAGIANG PANGUNGURSUNADA? 


Napag-alaman namang hindi ito ang unang beses na sinaktan ni Dator si Jordan. 

"Pinalo n'ya ng tsinelas sa ulo, 'di ko blinotter kasi pulis," sabi ni Stella, ina ng bata. "Umiiyak lang siya papunta sa akin. Biniro lang daw n'ya. Pero 'di sapat 'yun para gawin niya." 
    
Sinabi naman ng isang barangay tanod na madalas magkipag-inuman si Dator at mangursunada sa mga nadaraanan. 

"May mga nagrereklamo personal para walang formal complaint," dagdag ni Basinillo. 

Nang puntahan ng barangay ang bahay ni Dator, sinabi ng ina nito na natutulog siya. Pero nang pagisingin ng kapitan, sinabi ng ginang na wala sa bahay ang kanyang anak at hindi niya alam kung nasaan ito.

Kalaunan, sumuko si Dator sa kanyang commander sa public safety battalion ng Southern Police District (SPD). 

Ayon kay Supt. Jenny Tecson, tagapagsalita ng SPD, tinanggal na sa puwesto si Dator at inilagay sa restrictive custody, kung saan bantay-sarado na ang mga galaw at pinupuntahan nito.

Ipinag-utos na rin aniya ni SPD director Chief Supt. Tomas Apolinario ang pagsasagawa ng background investigation sa pulis.

 Maghahain naman ng kasong child abuse ang Women and Children Protection Desk ng Pasay police laban kay Dator. 

"Gusto ko siya makulong at matanggal sa pagkapulis. Di naman tama 'yung ginawa niya. Kahit sinong magulang di papayag na ganun mukha ng anak ko," sabi ni Stella. 

Kapag umusad ang kasong kriminal, haharap din ng administratibong kaso si Dator para sa grave misconduct.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.