Mga abogadong nagpayo sa bagitong Aegis Jvris, nais ipatawag sa Senado

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 05:15 PM

Pinag-uusapan ng Senado ang pagpapatawag sa ilang abogado na miyembro ng Aegis Jvris Fraternity matapos malantad ang isang group chat kung saan plinano ng mga ito ang umano’y “cover-up” sa pagkamatay ng University of Sto. Tomas law student na si Horacio “Atio” Castillo III. 

Sa pahayag ni Senador Sherwin Gatchalian sa programang Early Edition ng ANC, sinabi nitong nakagugulantang ang naging mga pahayag ng ilang senior members ng Aegis Jvris, na karamihan ay abogado na. 

“[W]hat was very disturbing to me..[was] may mga elder lawyers pa who were teaching and coaching the direct participants to cover up, how to destroy evidences, and how to even clean up the crime scene,” ani Gatchalian. 

Sa group chat na iprinesenta ng Manila Police District (MPD) sa Senado noong Miyerkoles, nakita ang pag-uusap ng mga baguhan at nakatatandang miyembro ng fraternity.

Ang Facebook thread ay naglalaman ng iba’t ibang usapan tungkol sa “pagtatakas” kay John Paul Solano na naghatid sa katawan ni Atio sa Chinese General Hospital, pati na rin ang paglilinis ng crime scene na hinihinalang ang Aegis Jvris library.

“I think that’s obstruction of justice. Very clear. And this actually opened up another issue that the police should look at and investigate. And the names are very clear. A lot of them are practicing lawyers, I think one of them is working in the Supreme Court,” ani Gatchalian. 

Isa pang maaaring ipatawag ay si dating Isabela Representative Edwin Uy. 

“I think we will invite him because his name came up…It’s very important for him to participate,” giit ni Gatchalian.

Si Uy ay miyembro umano ng Aegis Jvris at senior partner sa Divina Law, ayon sa website ng law firm. Ang Divina Law ay pinapatakbo ni UST Law Dean Nilo Divina. 

Si Atio ay namatay sa sobrang bugbog matapos umanong sumailalim sa initiation rites ng Aegis Jvris noong nakaraang buwan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.