Mayor Duterte, may alok na cash assistance sa mga susukong NPA sa Davao

Paul Palacio, ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 09:46 PM

DAVAO CITY - Ipinaliwanag ni Mayor Sara Duterte sa mga opisyal ng militar, Philippine National Police at hepe ng ibat-ibang ahensiya ng gobyerno sa ginanap na City Peace and Order Council meeting ngayong Huwebes ang kahalagahan ng localized peace talks.

Noong nakaraang buwan ay nagpalabas ang alkalde ng isang executive order para buohin ang Davao City Peace Committee na mamamahala sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng mga rebeldeng New People's Army sa Davao.

Pinaintindi rin ng alkalde ang kanyang adhikain para sa kapayapaan kaya magbibigay siya ng P65,000 sa bawat rebeldeng susuko.

May kondisyon si Duterte na dapat ay grupo at hindi paisa-isa ang susuko na rebelde.

Sinabi ng alkalde na irerekomenda niya sa Armed Forces of the Philippines sakaling may isa o dalawang NPA ang susuko para makakuha naman ng livelihood assistance sa ilalim ng Comprehensive Local Integration Program ng gobyerno.

Suportado naman ng militar ang localized peace talks para sa mga rebeldeng NPA sa Davao sa paniniwalang magiging instrumento ito sa paglutas ng insurgency problem sa bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.