Magpinsan, nalunod sa Batangas

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 08:51 PM

BATANGAS—Dalawang lalaki ang patay nang malunod sa dagat sa may bayan ng Lobo sa probinsyang ito.

Nagluluksa ang pamilyang Florindo sa pagkamatay ng 14 taong gulang na si Jomar.

Kuwento ni Pedro, ama ng biktima, alas-4 ng hapon noong Lunes nang yayain siya ng kanyang 37 taong gulang na balikbayang pamangkin na si Elmer Delos Reyes na mangisda.

Nang hindi siya sumama, ipinagpaalam ni Elmer na isasama niya si Jomar.

Nagtaka umano silang mag-asawa nang hindi pa umuuwi ang magpinsan kinagabihan.

Inabot na umano ng umaga sa paghihintay ang mag-asawa pero hindi pa rin bumabalik ang dalawa.

Dito na nagdesisyon ang ama na puntahan ang magpinsan sa tabing dagat.

Wala nang buhay si Elmer nang madatnan ni Pedro sa tabing dagat. Kinahapunan ay nakita na ring lumutang ang bangkay ni Jomar.

Panganay sa mga anak ni Pedro si Jomar at ama naman sa tatlong anak si Elmer.

Wala naman umanong sinisisi ang pamilya ng mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.