Mag-ama, patay sa pamamaril sa Misamis Oriental

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 03:33 AM

Pinagbabaril ang mag-amang sina Ricardo Daban at Erwin Daban ng hindi pa kilalang mga salarin sa Misamis Oriental, Miyerkoles

MISAMIS ORIENTAL - Patay ang isang mag-ama sa pamamaril sa Barangay Sta. Cruz, Tagoloan nitong Miyerkoles ng hapon.

Patay si Erwin Daban, 26, matapos magtamo ng anim na tama ng bala ng baril. Naisugod pa sa ospital ang amang si Ricardo Daban, 56, pero kalaunan ay namatay rin dahil sa tama ng bala sa dibdib.

Ayon sa live-in partner ng biktimang si Erwin, pauwi na ang mag-ama matapos bumili ng ulam sakay sa kanilang sidecar nang sundan sila ng dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo.

Pagdating sa bahay ay pinuruhan ng mga suspek si Erwin at nadamay ang ama nito na pumagitna sa pamamaril.

Hindi umano namukhaan ng pamilya ang mga suspek na pumasok sa kanilang bahay dahil nakasuot ng bonnet ang mga ito.

Kasalukuyang naghahanap ng motibo sa pamamaril ang pulisya.

Ayon dito, walang tala sa kanilang istasyon ang biktimang si Erwin habang tatlong araw pa lang sa Mindanao ang kanyang ama na mula sa Tayabas, Quezon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.