Lalaking sumita sa dati umanong nagnakaw sa kaniya, patay sa pamamaril

Mae Cornes, ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 08:46 PM

BAGUIO CITY – Patay ang isang 21-anyos na lalaki habang sugatan naman ang kaniyang kaibigan matapos silang pagbabarilin ng tatlong kalalakihan habang kumakain sa karinderya sa Bokawkan Road dito, Miyerkoles ng madaling araw.

Nakilala ang nasawi na si Romeo Pimentel na nagtamo ng dalawang tama ng bala ng .9mm na baril. Sa binti naman nabaril ang kaniyang kaibigan na kasalukuyang nagpapagaling na sa ospital.

“'Yung isa doon (bala) pumasok sa left chest, sa left armpit banda… 'Yung pangalawa, sa tiyan. Dead on arrival sa hospital [si Pimentel] because of severe bleeding sa abdomen,” sabi ni Dr. Rodrigo Leal ng Scene of the Crime Operatives ng pulisya.

Ayon sa tiyuhin ni Pimentel, namukhaan umano ng biktima ang isa sa mga suspek na dati nang nagnakaw sa kaniya.

“Yung suspek, ninakawan 'yung pamangkin ko dati, nilaslas 'yung bulsa, namukhaan niya 'yung mga taong 'yan. Nagkita sila kagabi, dun niya sinita. ‘Uy, kayo 'yung lumaslas ng pants ko noong araw.’ Pero 'yun, nagkaalitan daw, 'yung mga suspek bumalik, kinuha 'yung baril,” sabi ng kaanak ni Pimentel na tumangging magpakilala.

May record na ang isa sa mga suspek sa Baguio City Police Office Station 7 dahil din sa kasong pagnanakaw.

Nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga pulis, pero hindi na nakita pa ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.