Konstruksyon ng MRT sa Fairview, nagdudulot ng matinding trapiko

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 11:43 AM

Pag-aaralan na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kung paano maaaring maibsan ang pagtukod ng trapiko sa Fairview, Quezon City kung saan ginagawa ang isang bahagi ng MRT-7.
 
Araw-araw na perwisyo ang sinusuong ng mga motorist at pasahero dahil sa konstruksyon ng MRT-7 sa kahabaan ng Regalado Highway sa Fairview.

Mahaba ang pila ng mga sasakyan at mabagal ang usad ng trapiko partikular sa lane sa Mindanao Avenue palabas ng Commonwealth Avenue.

"Importante sa bayan yan. Tayo ang makikinabang sa infrastructure na yan pero kailangang naglalagay sila ng guideline kung ano lang yung territory nila at dapat nilang gawin sa araw-araw," pahayag ni Assistant General Manager Jojo Garcia ng MMDA sa panayam sa DZMM Huwebes ng umaga.

Nagpapasikip din umano sa daloy ng trapiko ang mga nakahambalang kagamitan ng MRT-7. Ang kawalan din ng disiplina ng mga drivers ang nagpapadagdag sa pagsisikip ng trapiko.

"Bukod sa may ginagawa at kinakain na nila yung mga lanes ng MRT 7, yung mga U-turn slots na yan, ang nangyayari pa sa tapat ng obstruction na yan ginagawang loading-unloading ng mga jeep kaya ang mga tao nasa lansangan," sabi ni Garcia.

Paliwanag ng MRT-7, may ginagawang parallel construction sa Regalado Highway. Ibig sabihin, bukod sa konstruksyon ng MRT-7 na ginagawa sa dalawang lane sa gitna ng kalsada, may road widening rin na nangyayari sa magkabilang gilid ng kalsada.

Hindi pa rin umano matiyak kung hanggang kailan matatapos ang road widening dahil patuloy ang pakikipagnegosasyon sa mga establisyementong maaapektuhan nito.

Nangako naman si Garcia na paiikutan ang mga lugar kung saan matindi ang trapiko.

"Bigyan nyo kami hanggang next week. Ita-try namin maikutan yan. Bibigyan natin ng atensiyon yan," pangako niya.

Nitong nakaraan, sinulusyonan ng MMDA ang problema sa matinding trapiko sa tapat ng dalawang mall sa bahagi ng Marcos Highway.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.