Jeep, hinoldap; ilang suspek umano'y menor de edad

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 08:08 AM

MANILA - Hinihinalang menor de edad ang ilan sa 5 holdaper na nambiktima sa mga pasahero ng isang jeepney sa North Avenue, Quezon City Miyerkoles. 

Kuwento ng pasaherong si Romer Go, pawang nakasaklob at itim na damit ang mga suspek. "Noong nasa loob sila ng jeep, lahat sila nakayuko," sabi ni Go. 

Nagdeklara aniya ng holdap at naglabas ng mga patalim ang grupo nang huminto ang jeep sa kanto ng Agham Road. 

"Natatakot na po ako. Tapos parang blackout na po paningin ko kasi first time nangyari," kuwento ng isa pang pasaherong si Jestin Batillo na tinutukan umano ng patalim sa mukha. 

"Binigay ko na lang po sa kanya 'yung cellphone ko para hindi niya ako saktan." 

Nakuhanan ang iba pang pasahero ng mga bag at wallet na may lamang cash at ATM cards. Hindi bababa sa 30,000 pesos ang halaga ng mga ninakaw na gamit.

Wala namang nasugatan sa insidente, pero nakatakas ang mga holdaper.

Batay sa rogues gallery ng pulisya, nakilala ng mga biktima bilang mga teenager ang 2 sa mga holdaper. Beberipikahin pa ito ng mga pulis bago sila magsagawa ng follow-up operation. 
 
Aminado naman ang opisyal ng Barangay Pag-asa na hirap silang sugpuin ang holdapan sa lugar. 

"Maraming exit d'yan... Nahihirapan din kami. Yung iba ayaw makipagtulungan. Hindi itinuturo kung saan pumunta yung holdaper," sabi ni Amado Cabutotan, team leader ng mga barangay tanod. 

Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.