Ilocos, niyanig ng 5.1 magnitude na lindol

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 04:12 PM | Updated as of Oct 19 2017 06:02 PM

MANILA (UPDATE) - Itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa magnitude 5.1 ang lindol na yumanig sa Ilocos Sur, Huwebes ng hapon.

Naunang naitala ng Phivolcs ang pagyanig sa magnitude 4.9 pero itinaas ito sa 5.1, kung saan ang sentro ay nasa 35 kilometro hilagang kanluran ng Santa Catalina, Ilocos Sur.

Tectonic ang origin ng lindol na naitala alas-3:06 ng hapon at may lalim na 25 kilometro.

Naramdaman ang Intensity IV sa Magsingal, Ilocos Sur at Bangued, Abra, at Intensity III sa Vigan City, Santa at San Esteban sa Ilocos Sur, Pasuquin, Solsona at Carasi sa Ilocos Norte, Tuguegarao, Cagayan, at Flora, Apayao.

Intensity II naman ang naitala sa Sta. Maria, Ilocos Sur at Kapangan, Benguet.

Wala umanong naiulat na pinsala pero may aftershocks na inaasahan mula sa lindol.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.