Fil-Am binaril sa loob ng taxi sa Valenzuela

ABS-CBN News

Posted at Oct 19 2017 08:21 AM

MANILA - Patay ang isang 65-anyos na Filipino-American matapos barilin sa loob ng taxi sa MacArthur Highway, Valenzuela City Miyerkoles. 

Ayon sa pulisya, nakipag-usap ang biktimang si Antonio Fermo sa hindi pa nakikilalang lalaki na uupa sana sa kanyang bahay sa Felomina Street, bandang alas -2 ng hapon.

Makalipas ang 2 oras, sumakay si Fermo at ang lalaki sa isang taxi na nakaabang sa labas ng bahay. 

Kuwento ng taxi driver sa mga pulis, umaandar pa ang taxi sa bandang MacArthur Highway nang bigla na lang barilin ng lalaki si Fermo. 

Pagkahinto ng taxi, bumaba ang salarin at sumakay sa isang van bago tumakas papuntang Malanday. 

Ayon sa kamag-anak ng biktima, matagal nang nag-migrate si Fermo sa Amerika at ilang buwan lang na nagbabakasyon sa Pilipinas. 

Narekober ng mga imbestigador ang 2 basyo ng bala ng baril at isang slug ng di pa natutukoy na kalibre ng baril sa crime scene. Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. 
 
Ulat ni Kristine Sabillo, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.